LEGAZPI CITY — Nakatakdang ipatupad ng local na pamahalaan ng Legazpi City ang curfew laban sa mga kabataan upang maiwasan ang ilang karahasang nagaganap sa iba’t ibang bahagi ng nabanggit na lungsod. Ayon kay Councilor Jim Andes, sa darating na linggo ay ilulunsad nila ang dry run ng curfew para sa mga kabataang may edad 15-anyos na karamihan ay nasasangkot sa iba’t ibang krimen. Napag-alamang karamihang kabataan ay inaabot ng madaling-araw sa pagtitinda ng kakanin, pagbabantay sa mga sasakyan na pinagkakakitaan at ilan naman ay nalululong sa bawal na gamot. Magsisimula ang curfew bandang alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling-araw para may sapat na pahinga ang mga menor-de-edad na pumapasok sa mga paaralan. Inatasan na ng mga opisyal ng local na pamahalaan ang kapulisan, mga tauhan ng Public Safety Office at ilang ahensya ng pamahalaan na magpapatupad ng naturang programa. Ed Casulla