CAMP VICENTE LIM, Laguna — Muling sinalakay ng mga tauhan ng pulisya ang isa na namang shabu laboratory sa Calapan City, Oriental Mindoro kahapon kung saan apat na araw matapos madiskubre ang isang laboratoryo sa Barangay Navotas na posibleng makagawa ng P3.5-bilyon halaga ng shabu.
Ayon kay P/Senior Supt. Agrimero Cruz, Oriental Mindoro police director, sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Judge Tomas Leynes ng Calapan City Regional Trial Court-Branch 40, sinalakay ang laboratoryo sa Barangay Communal kung saang nakakuha ng tatlong yunit ng hydrogenator, isang yunit ng boiler at apat na kahong hydrochloric acid na gamit sa paggawa ng methamphetamine hydrochloride (shabu) bandang alas-11 ng umaga, subalit walang naarestong tao.
“Sa nakuha naming mga equipment, posibleng makagawa ng 100 kilo ng shabu kada araw ang mga sindikato,” ani Cruz sa PSN
Sa panayam kay P/Chief Supt. Napoleon Cachuela, Region 4-B police director, tinutugis pa rin nila ang tatlong Tsino na nag-mamay-ari ng dalawang shabu laboratory.
“Kilala na naming ‘yung isang Tsino pero hindi pa namin pwedeng ilabas ang pangalan para hindi sila mabulabog,” pahayag ng opisyal.
Naniniwala pa rin ang pu lisya makakadiskubre ng iba pang laboratoryo sa nabanggit na lalawigan na minimintena ng mga dayuhang sindikato. Arnell Ozaeta/Joy Cantos