MORONG, Rizal — Kalaboso ang binagsakan ng apat na kalalakihang kidnaper makaraang masabat ang sinasakyang traysikel na sakay rin ang dinukot na dalagang estudyante sa itinayong PNP checkpoint sa Sitio Guillermo, Morong, Rizal kamakalawa ng gabi.
Sumasailalim sa tactical interrogation ang mga suspek na sina Niño Mationg, 25, lider ng grupo; Reynante Rotubio, 26; at ang dalawang menor-de-edad na lalaki na sadyang itinago ang pagkakakilanlan na pawang residente ng nabanggit na bayan.
Nailigtas naman sa tiyak na kapahamakan ang biktima na si Abegail Bumagat, 19, estudyante at residente ng Binangonan, Rizal.
Sa ulat na nakarating sa Rizal provincial police office, naaresto ang mga suspek dakong alas-11:30 ng gabi matapos na makatanggap ng tawag sa telepono ang mga tauhan ng pulis-Morong na may kaugnayan sa apat na kalalakihan na dumukot sa isang dalaga sa Binangonan, Rizal at posibleng hindi pa nakakalayo.
Agad namang nagtayo ng checkpoint ang pulisya at makalipas ang ilang minutong paghihintay ay dumaan ang traysikel ng mga suspek at hindi na nakapalag ang mga sakay nito nang siyasatin.
Namataan ng pulisya ang biktima na nakapiring pa ang mga mata at may busal pa ang bibig kaya agad na dinakip ang mga suspek at dinala sa himpilan ng pulisya. Edwin Balasa