Kidnaper na pulis 3 ulit sinampal ni Mayor Duterte

CAMP AGUINALDO — Tatlong malalakas na  sam­pal ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte, ang du­mapo sa mukha ng isang tiwaling pulis na sangkot sa kidnap-for-ransom gang matapos itong maaresto ng mga awtoridad sa nabanggit na lungsod, ayon sa ulat kahapon.

Sinabi sa ulat na labis na nadismaya si Mayor Duterte matapos na madiskubreng sangkot ang suspek na si PO2 Keith Michael Froilan Sanz sa operasyon ng kidnapping kaya sunud-sunod na sampal ang pinadapo ma­tapos na iharap sa nasabing opisyal kamaka­lawa ng hapon.

Si Sanz na pinanini­wa­laang utak sa pagdukot sa may-ari ng Flying V gasoline station na si Edgar Barroso, ay natukoy na miyembro ng grupong Balbacua kidnap- for-ransom gang na aktibong nagsasagawa ng modus operandi sa nabanggit na lungsod.

Sa rekord ng pulisya, ang suspek ay nasakote ka­sama ang limang iba pa na isa rito ay anak ng dating pulis sa serye ng ope­rasyon sa Davao.

Kabilang pa sa mga na­arestong kidnaper ay sina Wendell Asentista, 35, anak ng retiradong police officer; Marvin Booc, 28; Angelito Ventura Froilan, 50 ; Petronio Ali Jr., 41; at isang  Nilo Be­nemerito. (Joy Cantos)

Show comments