QUEZON — Bayolenteng kamatayan ang sinapit ng tatlong kalalakihan na pinaniniwalaang miyembro ng kidnap-for-ransom gang makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa bahagi ng Barangay Bocohan sa Lucena City, Quezon kahapon ng madaling-araw.
Dalawa sa tatlong napatay ay sina Marino Hapin Jr. ng Marquez Compound, Putatan, Muntinlupa City; Joemar Casabuena de Felipe, lider ng KFR gang na may standing warrant of arrest mula kay Judge Aventurado ng Branch 2 11th Judicial Region ng Tagum City, Davao sa kasong kidnapping at serious illegal detention.
Sa pahayag ni P/Senior Supt. Hernando Zafra, Quezon police director, ang tatlo ay dating miyembro ng notoryus na Parolino kidnap-for-ransom gang na nag-ooperate sa Southern Tagalog.
Batay sa ulat na tinanggap ni P/Supt. Marcos Badilla, chief of police sa Lucena City, na nakipag-coordinate ang mga tauhan ng Presidential Anti-Crime Emergency Response (PACER) sa pamumuno ni P/Supt. Ronald Oliver Lee kay Quezon Intelligence Chief P/Chief Laudemir Bryan Llaneta tungkol sa presensya ng grupo sa Lucena City na posibleng may tinatarget na biktima.
Agad namang tinungo ng mga pulis ang pinagkukutaan ng mga suspek sa Roadside Inn sa Barangay Bocohan bandang alas-2:25 ng madaling-araw.
Subalit bago pa makarating ang mga awtoridad sa nasabing motel, nakatunog na ang mga suspek kaya mabilis na nagsitakas sakay ng isang Nissan Sentra (PFG 841) at sumibad patungong Purok Uno.
Nagkaroon ng habulan hanggang sa makorner ang mga suspek sa nabanggit na barangay bandang alas-3:20 ng madaling-araw na nagresulta ng pagkakapatay sa tatlong suspek.
“Base sa aming intelligence information, nakahanda na naman ang grupo para mangkidnap ng mga kilalang personalidad sa Quezon,” ani Llaneta sa PSN.
Nakarekober ang mga awtoridad ng isang Ingram Uzi machine pistol at dalawang caliber .45 pistol mula sa mga napatay na suspek.