SAN PEDRO, Laguna — Muling sinalakay ng mga tauhan ng Phil. Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng Laguna police ang isang shabu laboratory sa bayan naman ng San Pedro, Laguna kahapon makaraang inguso ng Taiwanese na naunang naaresto sa isang apartment sa Biñan noong Biyernes na naglalaman ng P5-bilyong sangkap ng shabu.
Sa search warrant na ipinalabas ng korte, sinalakay ng mga tauhan ng PDEA at Laguna police, ang inuupahang bodega ni Tony Tan Go na nagsisilbing laboratory sa may Amante Subdivision, Purok 5, Barangay Nueva bandang alas-5 ng hapon at tumambad ang bultu-bultong sangkap ng shabu.
Ayon kay P/Chief Supt. Nicasio Radovan Jr. Region 4 police director, ikinanta ni Go ang naturang lugar matapos dumaan sa isang tactical interrogation na nagbunsod para kumuha ng search warrant ang mga awtoridad sa korte.
Matatandaang naaresto ng mga awtoridad ang Taiwanese na si Go na pinaniniwalaang nagmamay-ari ng bultu-bultong sangkap ng shabu na aabot sa P5-bilyon matapos bumalik ito sa kanyang inuupahang Unit 15 ng Honor’s Apartment sa Manabat Street, Barangay San Antonio noong Linggo ng umaga.
Ayon kay Supt. Raul Bargamento, Region 4 PDEA chief, sinampahan na nila ng kaso si Tony Tan Go, ang may-ari ng apartment na si P/Chief Supt. Antonio Atienza sa Department of Justice.
Mariin namang itinanggi ni Atienza na may kinalaman siya sa mga aktibidades ni Go. “Technically, hindi na sa amin yang property, na possessed na nga ng Bank of Philippine Island, ang apartment na yan,” paliwanag ni Atienza
“I’m really disappointed with this development, but I’m also challenging them to file a case against BPI,” dagdag pa ni Atienza.