AGOO, La Union – Pinaniniwalaang may kaugnayan sa nakalipas na eleksyon kaya pinasabog ang harapan ng munisipyo ng Agoo sa La Union noong Sabado ng gabi na nagresulta sa pagkasugat ng dalawang suspek na naaresto sa La Union Medical Center.
Ayon kay P/Chief Insp. Floro Samortin, police chief sa nabanggit na bayan, nawasak ang bahagi ng parking lot at isang van na nakaparada sa harapan ng nasabing munisipyo.
Agad na rumesponde ang mga pulis sa pangunguna ni Samortin at naharang ang isang Tamaraw FX na pinaniniwalaang gagamitin sa pagtakas ng mga suspek na sina Edwin Campos na nakumpiskahan ng baril at si Danilo Ramos na sugatan dahil sa tama ng shrapnel mula sa sumabog na granada.
Kasalukuyang sinisilip ng pulisya ang anggulong pananakot sa mga residente na posibleng may kaugnayan sa nakalipas na halalan.
May posibilidad rin na may kinalaman ang mga suspek sa pagpapasabog ng gusali na pag-aari ng pamilya ni Mayor Franny Eriguel ng Barangay Sta. Barbara noong nakalipas na linggo.
Napag-alamang nanalo sa mayoralty race ang asawa ni Eriguel na si Sandra sa bayan ng Agoo, habang ang utol naman nito ay nanalo bilang konsehal.
Si Eriguel na naghain ng election protest ay natalo sa congressional race laban kay Butch Dumpit, dating military officer at anak ni Rep. Tomas Dumpit Sr. (Jun Elias)