Patay ang driver at pahinante ng isang delivery truck ng Arsenal ng Department of National Defense habang 13 pa ang malubhang nasugatan nang salpukin ito ng isang pampasaherong bus kahapon ng umaga sa Pilar, Bataan.
Nakilala ang mga nasawi na sina Filbert Essel, driver ng truck at pahinante nitong si Gaspar Guerero na kapwa residente ng Tandang Sora, Quezon City.
Ginagamot naman sa Bataan General Hospital ang mga nasugatang biktima na karamihan ay pasahero ng Bataan Transit Bus.
Sinasabing binabagtas ng Bataan Transit bus bandang alas-8:00 ng umaga ang national highway sa Pilar nang unahan nito ang isa pang sasakyan na naging dahilan para sumalpok ito sa naturang delivery truck.
Wasak at nahati ang ulo ng mini Izusu Forward na ang katawan ay tumilapon sa bukid. Napag-alaman na maghahatid ito ng mga metal tool box sa arsenal nang maaksidente. (Jonie Capalaran at Edwin Balasa)