CAMP VICENTE LIM, Laguna — Tatlo-katao kabilang na ang bank manager ng Phil. Business Bank, ang iniulat na nasugatan makaraang holdapin ng limang armadong kalalakihan ang mga biktima sa harap mismo ng kanilang banko sa Calamba City, Laguna noong Lunes ng hapon.
Kabilang sa mga biktimang sugatan ay sina Corazon Larios, manager ng nabanggit na banko; Erick Malinis, mensahero; at ang security guard na si Pepito Lusares.
Sa pahayag ni P/Supt. Rolando Bustos, Calamba police chief, papaalis na sina Larios at Malinis sa parking lot ng banko sakay ng Honda City (XFK-474) sa kahabaan ng highway na sakop ng Barangay Parian nang harangin at pagbabarilin ng limang armadong kalalakihang sakay ng dalawang motorsiklo.
Tinamaan si Larios sa kanang tuhod, samantala, sapol naman sa kanang bahagi ng katawan si Malinis na kapwa nasa Calamba Medical Center.
Matapos pagbabarilin ang dalawa, inagaw ng mga holdaper ang isang kulay berdeng duffle bag na naglalaman ng ’di-pa malamang halaga na nakatakdang ideposito sana sa Metrobank Crossing branch.
Nagawa namang makipagbarilan ang dalawang security guard na sina Pepito Lusares at Catabay bago nakatakas ang mga holdaper kung saang nasapol si Lusares.
Nakaganti naman si Catabay kung saan dalawa sa mga holdaper ang sugatan bago ito nagsitakas sa direksyon ng Cabuyao sakay ng motorsiklo. (Arnell Ozaeta)