Nadakip ng mga ahente ng National Bureau of Investigations (NBI) ang isang Nigerian na umano’y sangkot sa isang sindikato na gumagamit ng mga nakaw na credit cards upang magpa-book ng mga on-line airline tickets.
Kinilala ang suspect na si Shadrack Onyisis Ekwemura, residente ng 43 B Sta. Cruz, Maynila, kung saan ngayon ay naka-detine sa NBI-National Capital Region.
Naaresto si Ekwemura sa isang entrapment operation no ong Mayo 25 sa isang internet cafe sa Mabini St., Ermita.
Sinabi ng NBI na mayroon umano itong natanggap na intelligence report na si Ekwemura ay miyembro ng naturang sindikato kaya’t nagplano sila ng isang entrapment operation laban dito.
Nagpa-book ang isang poseur buyer sa suspek ng tatlong round trip ticket patungong Hong Kong sa halagang P10,000 lamang.
At nang makipagkita sa mga awtoridad ang suspek, kaagad itong inaresto habang tinatanggap ang marked money.
Nakuha mula sa suspek ang isang credit card na nang beripikahin ay nawawala pala ito mula sa isang may-ari dalawang linggo na ang nakakaraan.
Ipinaliwanag ni NBI Executive Office Rommel Vallejo, kumikita umano ang mga sindikatong tulad ng kinabibilangan ng suspect sa pamamagitan ng pagbili ng mga on-line airline tickets para sa mga tao na nais mag-abroad.
Pinapang-akit umano ng mga sindikato sa mga Pinoy na nais mag-abroad na ito ang mag-aayos ng mga travel documents sa mas murang halaga.
Matapos na matanggap ang pera sa mga kostumer, ipabu-book nila ang tiket ng mga ito on-line at babayaran ito gamit ang mga ninakaw o ’di kaya ay pekeng credit card.
Nahaharap naman sa kasong paglabag sa Access Devices Act ang suspek at nakatakdang i-turn-over ng NBI sa kostudiya ng Bureau of Immigration (BI). (Grace dela Cruz)