CAMP CRAME – Napaaga ang salubong ni kamatayan sa limang sibilyan habang labinsiyam naman ang sugatan makaraang magsalpukan ang dalawang pampasaherong bus sa kahabaan ng national highway na sakop ng Sitio Boracay sa Barangay Gulang-Gulang, Lucena City, Quezon kamakalawa ng gabi.
Kabilang sa mga namatay ay sina Marie Claire Sadangsal, 27; Irma Sandangsal, 56; Herminigilda Yongco, 40; Virginia Rivadeniera, 49; at si Angeline Opiz na pawang naninirahan sa Quezon City.
Naisugod naman sa pagamutan ang mga sugatan. Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, naitala ang sakuna dakong alas-11:15 ng gabi kung saan nagbanggaan ang JAC Liner Bus (CVB-508) ni Jaime Magtoto at ang JAM Liner Bus (TYG-422) ni Reynante Carabido.
Nabatid na patungong Dalahican Port sa Lucena City ang JAM bus nang sakupin nito ang kabilang linya ng kalsada hanggang sa makasalubong ang Jac Liner Bus na nagresulta sa pagkamatay ng lima-katao.
Samantala, tugis naman ng pulisya ang drayber ng JAM Liner Bus na si Carabido para panagutin. (Edwin Balasa at Tony Sandoval)