Ama’t ina sinunog ng anak
CAMP CRAME  Malagim na kamatayan ang sinapit ng mag-asawang matanda makaraang katayin ay sinunog pa ang mga biktima ng sariling anak dahil maliit lang ang parteng lupa na kanyang mamanahin kumpara sa kanyang mga kapatid sa Brgy. Carol-An, Kabankalan City, Negros Occidental, ayon sa ulat kahapon. Nakilala ang mag-asawang naabo sa pagkasunog na sina Teofilo at Loreta Bartolome, habang naaresto naman ng pulisya ang suspek na si Rogelio Bartolome, 46; at ang kaibigan nitong si Eduardo Ortega, 22. Naitala ang krimen noong Mayo 3 ng gabi habang natutulog ang mga biktima sa kanilang bahay. Ayon kay PO1 Abraham Tugalon, nagalit ang suspek sa kanyang mga magulang nang malaman na mas malaki ang parte ng mamanahing lupa na ipinamigay ng mga ito sa kanyang mga kapatid. Dahil dito ay nagtanim ng sama ng loob ang suspek at humingi ng tulong sa kanyang kaibigang si Ortega para atakihin at patayin ang kanyang mga magulang. Lingid sa kaalaman ng mga suspek ay may saksi na nakakita sa kanilang ginawa na siyang nagsuplong sa pulisya. (Edwin Balasa)
BULACAN  Niresbakan ni congressional bet Salvador "Ka Ador" Pleyto ang kanyang mga kalaban sa pulitika at nanawagan sa mga mamamayan ng ika-apat na distrito ng Bulacan na lalong maging matalino sa pagpili ng kanilang lider sa nalalapit na halalan sa Mayo 14 sa pamamagitan ng pagwaksi ng mga pulitikong ang alam ay manira para sa kanilang pansariling interes. Ayon kay Pleyto, malinaw na paninira lamang ng kanyang mga kalaban ang lumabas kamakailan sa isang pahayagan kung saan siya ay na-dismiss na raw sa serbisyo ng Philippine Anti-Graft Commission. "Totoo na may kaso akong kinaharap dahil noon pa man ay batid ko na ang mga ganitong klaseng pagsubok bilang isang tapat na public servant, pero mismong ang Supreme Court at Court of Appeals ang nagpatigil ng pagpapatupad ng order laban sa akin simula pa noong Hunyo 2006. Hawak ang ilang dokumento, ayon kay Pleyto, mismong si retired Chief Justice Artemio Panganiban, ang nag-isyu ng temporary restraining order (TRO) noong June 2006 laban sa dismissal order ng Office of the Ombudsman.