Sa ulat na ipinadala ni P/Supt. Ping Tucao, provincial police director ng Sultan Kudarat, pansamantalang hindi isiniwalat ang pangalan ng suspek na nasakote dakong alas-10 ng umaga.
Ayon kay Tucao, positibong inginuso ng mga saksi na siyang nag-iwan ng thermos na nilagyan ng improvised bomb na may mga pako sa bilyaran katabi ng restaurant sa panulukan ng Bonifacio at Magsaysay Avenue kung saan ito sumabog.
Nilinaw naman ni Tucao na 3-katao lang ang nasawi at 30 ang malubha sa naganap na pagsabog salungkat sa unang napaulat na 5 o kaya 8.
Kasunod nito, kinilala ni P/Supt. Joel Limson, hepe ng Tacurong City PNP, ang tatlong nasawi na sina Basiliza Landig, Ronald Reyes at Kadsa Langalen na pawang naninirahan sa nasabing lugar.
Base sa rekord ng pulisya, naitala ang pagsabog dakong alas-4:50 ng hapon sa mataong lugar na sakop ng passenger terminal at bilyaran malapit sa isang restaurant habang nagpupulong ang mga election officials, kandidato at mga tauhan ng militar para sa May 14 elections. (Edwin Balasa)