3 niratrat ng militar, todas |
CAMP CRAME  Pinahirapan muna bago pinatay ang tatlong militanteng magsasaka makaraang mapagkamalang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ng tropa ng militar sa Barangay Inulingan, Negros Occidental. Ayon kay Carl Ala, spokesperson ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), brutal na pinatay noong Sabado ng gabi sina Bobby Quilo, 20; Benjamin Jilonga, 28; at si Richard Sarillo, pawang mga residente ng Magallion, Barangay Inulingan, Negros Occidental at mga miyembro ng Barangay Inulingan Farmers Association (BIFA). Itinuturong mga suspek ay ang tropa ng 11th Infantry Battalion na pinamumunuan ni Lt Col Jessie Managquil. Sa ulat ni Ala, nakasagupa ng mga sundalo ni Lt. Col Manaquil ang mga rebelde malapit sa Barangay Inulingan kaya napilitang lumikas ang mga residente upang hindi madamay. Matapos ang engkwentro, kinagabihan ay nagtangkang bumalik sa kani-kanilang bahay ang mga residente kabilang ang tatlo, subalit sinita sila ng mga sundalo na kasalukuyang nasa lugar pa at napagkamalang mga NPA kaya pinahirapan muna ang mga ito bago pinatay.
(Edwin Balasa) COTABATO CITY  Maagang sinalubong ni kamatayan ang mag-utol na paslit makaraang nalason sa kinaing pulang mongo na pinaniniwalaang kontaminado ng pesticide sa bayan ng Midsayad, North Cotabato kahapon. Sa ulat ni P/Supt. Chino Mamburam, hepe ng pulisya, ang mga biktimang mula sa pamilyang maralita ay nakilalang sina Jorosh, 2 at Jeffrey Chu, 3. Ayon sa mga imbestigador ng pulisya, nagsuka ang mag-utol bago nanakit ang tiyan dahil sa kinaing ng red beans na may sabaw na gata ng niyog na iniluto ng kanilang ina na si Jennifer. Kumbinsido naman si Mamburan na nahaluan ng pesticide ang pagkain na hindi naman alintana ng ina ng mga biktima.
(John Unson) CAMP AGUINALDO  Limang kawal ng Moro National Liberation Front (MNLF) lost command na pawang tauhan ni Ustadz Habier Malik ang iniulat na napatay sa naganap na madugong sagupaan sa bahagi ng Kambing Village sa bayan ng Kalingalan Caluang, Sulu kahapon ng umaga. Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Lt. Col Bartolome Bacarro, inaalam pa ang pagkikilanlan ng mga biktima habang wala naman iniulat na nasawi o nasugatan sa panig ng militar. Ang grupo ni Malik, ang siyang lumusob sa Marine Headquarters noong nakaraang buwan sa Jolo, Sulu na nagresulta sa pagkasawi ng may 17-katao kabilang ang tatlong sundalo habang 40,000 residente ang lumikas upang hindi maipit ng kaguluhan.
(Edwin Balasa) LUCENA CITY – Tinambangan at napatay ang isang 36-anyos na Army reservist ng mga di-kilalang lalaki na sakay ng motorsiklo sa kahabaan ng kalsadang sakop ng Barangay Ibabang Iyam sa Lucena City, Quezon kamakalawa ng gabi. Napuruhan sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Enrico Privado y Ibahan, may ranggong 1st Leiutenant sa AFP reservist ng Military Intelligence sa Camp Nakar at residente ng Pleasantville Subdivision. Sa ulat nina SPO2 Benjie Jabrica at PO2 Alvin Evangelista, officers on case, dakong alas-8:30 ng gabi nang ratratin ang biktimang sakay ng pulang Mazda pick-up (TKC-547). Pinaputukan ng naka-backride sa motorsiklo ang biktima, subalit hindi ito tinamaan kung kaya’t mabilis itong bumaba upang magtago sa gilid ng sasakyan hanggang sa ratratin ng dalawa pang sakay naman ng isang taxi na may markang San Bartolome Service.
(Tony Sandoval)