Bakit ganito ako?

DAVAO CITY – Ilang oras matapos magdaan ang peace covenant ng mga lokal na kandidato sa bayan ng Monkayo sa Compostela Valley ay pinagbabaril na­man ang isang konsehal ng barangay ng dalawang ’di-kilalang kalalakihang sakay ng motorsiklo sa Barangay Bangkeruhan Norte kahapon ng umaga.

Ang biktimang si Nardito Ongcal, 46, na tumatayong coordinator ni re-electionist Rep. Manuel Zamora ay idi­neklarang patay sa Davao Regional Hospital sa Tagum City.

Nabatid na ang peace covenant para sa May 14 elections ay nilagdaan nina Rep. Zamora at ang kalaban sa congressional race na si Lito Brillantes; Mt. Diwalwal Barangay Chairman Franco Tito at ang ilang kandidato sa iba’t ibang posisyon. 

Kabilang sa krimen na election-related violence incidents (ERVIs) sa Monkayo ay ang naganap na pana­nambang sa mga barangay chairmen kung saan namatay ang isang kabesa habang sugatan naman ang isa.

Naniniwala naman ang mga residente sa nabanggit na bayan na agawan sa pag-control ng mining industry ang pangu­nahing dahilan kaya nag-aagawan sa pu­westo ang mga kandidato.

Ayon sa ulat, ang mina­han ng ginto sa Mt. Diwalwal ay kino­konsiderang pinaka­ma­laking diposito ng ginto sa buong bansa. (Edith Rega­lado)

Show comments