Misis nakuryente sa sampayan

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City — Isang 28 anyos na misis ang nasawi nang makuryente habang nagsasampay ng mga nilabhan nitong damit kahapon ng umaga sa Barangay Gubat, Lagonoy, Camarines Sur.

Wala nang buhay nang madala sa San Jose Community District Hospital si Nympha Sabuco, may asawa at residente ng naturang lugar.

Sinasabi sa ulat ng pulisya na nagsasampay ng mga damit si Sabuco sa isang alambreng nakakabit sa bubong ng kanilang bahay nang bigla siyang mangisay dahil sa lakas ng boltaheng dumaloy dito dahil aksidente umanong napadikit ang sampayan sa isang kawad ng kuryente.

Tinangka siyang sagipin ng ama niyang si Pablito Sabuco pero nakuryente rin ito.

Kasalukuyang nilalapatan ng lunas ang matandang Sabuco sa naturang pagamutan. (Ed Casulla)

Show comments