6 babae ligtas sa cyber sex den

CABANATUAN CITY — Anim na babaeng kinabibilangan ng isang menor-de-edad ang nailigtas ng mga ahente ng National Bureau of Investigation sa isang sikretong cyber-sex den sa lunsod na ito noong Miyerkules ng tanghali.

Ayon kay Pedro Roque Jr., director ng Nueva Ecija NBI office, kanilang sinalakay ang isang inuupahang apartment sa may Doña Narcisa Avenue sa Barangay Kapitan Pepe Subdivision dito dahil sa isang ulat na may nagaganap na iligalidad doon.

Natuklasan ng NBI na ang mga babaeng nasa sex den ay pinupuwersang gumawa ng mga kalaswaan sa harap ng webcam o kamera ng mga computer.

Nakilala ang mga nailigtas na babae na sina Jessica Bohol, 22, ng Sitio Halang, Barangay San Roque; Aira Golariza, 23; Mary-Ann Valencia, 24; Michelle Velasco, 29; Michelle Sto. Domingo, 26 at kapatid nitong minor na si Abigail, 16, pawang mga taga-Antipolo City.

Sinabi naman ng NBI na bigo silang maaresto ang dalawang operators umano ng naturang cyber sex den na nakilalang sina Gilbert Gonzales at Grace Vargas ng Antipolo City.

Nakumpiska ng NBI ang ilang unit ng computers, web cameras at mga sex gad gets na pinaniniwalaang ginagamit sa ilegal na operasyon.

Nabatid na nakatanggap ng reklamo ang NBI mula sa isang Robert Balutan ng Antipolo City.

Si Balutan ay nagsabing ang live-in lover niyang nailigtas na si Jessica, ay pinupuwersa umano ng kalaswaan na labag sa kanyang kagustuhan upang masiyahan lamang ang mga parokyano nila sa internet.

Apat sa mga babaeng nailigtas ang nagbigay ng kanilang alyas sa internet bilang sina Dewberry, 21; Ellyn, 69; Jamaica, 15; at Allesse. (Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments