Base sa ulat ni P/Senior Supt. Benjamin Dela Cruz, hepe ng pulisya sa bayang nabanggit, sa pamamagitan ng driver’s license ay nakilala ang biktimang si Carmelo "Mark" Palacios y Teves, 41, Nueva Ecija radio reporter ng dzRB Radyo ng Bayan na pag-aari ng pamahalaan at residente ng Paraiso St., Guimba, Nueva Ecija.
Ayon sa ulat, bandang alas-5:30 ng umaga nang matagpuan ng isang jeepney driver ang bangkay ni Palacio sa gilid ng kalsada ng nabanggit na barangay kaya agad nitong ipinagbigay-alam sa pulisya.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Nueva Ecija PNP, basag ang panga ng biktima dahil sa palo ng matigas na bagay at posibleng binaril sa ibabang bahagi ng bibig.
Sa pahayag ni Dela Cruz, posibleng pinatay sa ibang lugar si Palacios at itinapon ang bangkay noong gabi ng Martes sa nasabing lugar para iligaw ang mga awtoridad sa isasagawang imbestigasyon.
Nasa Funeraria Ortiz sa bayan ng Sta. Rosa ang bangkay ni Palacios upang sumailalim sa post-mortem examination.
Mariin namang kinondena ng National Union of Journalist of the Philippines (NUJP), ang naganap kay Palacios na ikalawang mamamahayag na pinaslang sa Nueva Ecija.
Sa talaan ng NUJP, ika-51 mamamahayag na ang napapatay simula noong maupo si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. (Christian Ryan Sta. Ana at Edwin Balasa)