Supporter ni ‘Tol Mike sinalpok ng bus, patay

Isang 18-anyos na dalagang tagasuporta ni Team Unity Senatorial candidate Mike Defensor ang namatay habang 27 pang kasama niya ang malubhang nasugatan nang banggain sila ng isang pampasaherong bus habang nagdidikit sila ng mga campaign poster sa Atimonan, Quezon kahapon ng madaling-araw.

Nakilala ang nasawi na si Jenny Yumol, tubong Pampanga. Nalagutan siya ng hininga ilang minuto matapos isugod sa pagamutan dahil sa tinamong pinsala sa ulo at katawan.

Isinugod sa magkakahiwalay na pagamutan ang may 27 pang katao na pawang mga tagasuporta din ni Defensor matapos magtamo ng sugat dahil sa naganap na aksidente.

Sinabi ng pulisya na isang pampasaherong bus ng JVH na nagmula sa Bicol ang bumabaybay sa New Diversion Road sa Barangay Silangan, Malicbong, Atimonan nang mawalan ito ng preno at banggain ang tatlong multicab na may plakang ZJR 154, ZJR 144 at GTB 857 na kinalululanan ng mga biktimang nagkakabit ng mga campaign poster ni Defensor.

Pare-parehong tumilapon ang mga biktima. Tinangka naman isalba si Yumol na isinugod sa Jane County Hospital sa Pagbilao, Quezon subalit sanhi ng grabeng sugat na natamo nito ay namatay rin.

Boluntaryong sumuko sa pulisya ang driver ng bus na si Crisanto Fidel Papa, 43, ng Albay. (Edwin Balasa at Tony Sandoval)

Show comments