CABANATUAN CITY  Aabot sa sampung kababaihan ang nailigtas ng mga alagad ng batas mula sa malaking sex den sa bahagi ng Barangay Dimasalang, Cabanatuan City, Nueva Ecija kamakalawa. Kabilang sa nasagip sa prostitution den na sinalakay ng pulisya ay sina Rica Valero, Shiela Maico, May Ann Reyes, Gandana Western, Jane Melendrez, Grace Borden, Liezel Garcia, Jovielyn Villarin, Florisa Rosales, Zenaida Pascual, at si Ina Ramos. Sa ulat ni P/Supt. Eliseo Cruz, hepe ng pulisya kay P/Senior Supt. Allen Bantolo, Nueva Ecija Police provincial director, nabigo naman ang pulisya na madakip ang may-ari ng establisimento na nakilalang si Jennifer Soriano ng Malabon City. (
Christian Ryan Sta. Ana) 2 sibilyan todas sa sakuna |
CAVITE – Dalawang sibilyan ang iniulat na nasawi sa naganap na magkahiwalay na sakuna sa dalawang bayang sakop ng Cavite kamakalawa. Kabilang sa kumpirmadong namatay sa sakuna ay sina Leovita Reganit Guinto, 59, ng Barangay Molino 2, Bacoor, Cavite at Leonardo Bocalan, 72, ng Barangay Timalan Lontoc, Naic, Cavite. Ayon sa pulisya, ang biktimang si Guinto ay nahagip ng Ford Lynx (WKW-657) ni Carlos Buguina, 69, ng #1858 Dagonoy St.,San Andres, Manila. Agad namang pinalaya si Buguina matapos na makipag-areglo sa pamilya ng naulila ni Guinto. Kasunod nito, nahagip naman si Bocalan ng school bus (DWL-851) ni Ricardo Comision sa kahabaan ng Barangay Sabang Road, Naic, Cavite. Pormal na kakasuhan si Comision, 54, ng Barangay Biclatan, General Trias, Cavite habang naka-impound naman ang nasabing bus.
(Cristina Timbang) CAMP OLIVAS, Pampanga – Tinambangan at napatay ang isang 47-anyos na babaeng negosyante habang dalawa naman ang sugatan sa naganap na panibagong karahasan sa Barangay Pandayan, Meycauayan, Bulacan noong Huwebes ng gabi.
Sa naantalang ulat na nakarating kahapon sa Camp Olivas, Pampanga, nakilala ang biktimang nasawi na si Susan Sindon ng St. Michael Subd. ng nabanggit na barangay.
Sugatan naman ang asawa ni Susan na si Guillermo Sindo, 57, at ang drayber nilang si Joseph Mejia, 44.
Napag-alamang lulan ang mga biktima ng Toyota Fortuner papauwi nang mapansin ng drayber na si Mejia na may sumusunod sa kanilang kotseng Toyota Vios.
Dahil dito ay pinabagal ni Mejia ang pagmamaneho, subalit ilang kalalakihan ang bumaba sa Toyota Vios at niratrat ang kotse ng mga biktima.
Nasapol sa ulo si Susan ng bala ng M-16 armalite rifle na ikinasawi kaagad nito habang sina Guillermo at Joseph ay tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Kasalukuyang pang inaalam ng pulisya ang motibo ng krimen.
(Ric Sapnu) 'Operation Damayan' sa Albay |
LEGAZPI CITY  Tatlong barangay sa bayan ng Sto. Domingo at Legazpi City sa Albay na naging biktima ng bagyong Reming noong nakalipas na taon ang nabiyayaan ng relief goods makaraang bumisita ang grupo ng "Operation Damayan" ng Star Group of Publications kahapon ng umaga. Libu-libong residente ng Barangay Padang sa Legazpi City at Barangay Lidong at San Isidro sa Sto. Domingo ang nabiyayaan ng bigas, tinapay, gamot, carpentry tools, groceries, timba at iba pa. Layunin ng "Operation Damayan na makatulong sa mga residenteng sinalanta ng bagyong Reming kahit sa maliit na bagay. Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga residente sa pangunguna ni Barangay Kagawad Ely Solano ng Barangay Padang dahil sa biyaya na kanilang natanggap.
(Ed Casulla)