Sa 23-pahinang joint resolution ng Ombudsman na may petsang February 7 na nilagdaan ni Assistant Ombudsman Mark Jalandoni matapos aprubahan ni Ombudsman Merciditas Gutierrez, inatasan nito ang Department of Interior and Local Government (DILG) na bawiin na ang 6-months preventive suspension na ipinataw sa nasabing gobernador dahil sa kakulangan ng merito.
Kasunod nito, agad na nagpalabas ng memorandum si DILG Secretary Ronaldo Puno na may petsang February 8 na nag-uutos kay Maliksi na bumalik na sa pag ganap bilang gobernador ng Cavite batay sa Section 7 ng Administrative Order No. 17.
"Considering that the joint resolution absolved you of all the charges, the said joint resolution is immediately final, executory and unappealable," nakasaad sa memorandum.
Sa isinagawang programa sa kapitolyo ng Cavite, nagpahayag ng pasasalamat si Maliksi sa naging desisyon ng Ombudsman at sa kanyang mga supporters.
Dumalo rin si Manila Mayor Lito Atienza, presidente ng Liberal Party at mga lokal na opisyal ng pamahalaan ng Cavite sa unang araw ni Maliksi sa kapitolyo matapos ang isang buwang pagtigil nito sa pagganap bilang gobernador.
"Masaya ako dahil vindicated ako sa mga kasong isinasampa sa akin at alam ng buong lalawigan na wala akong kasalanan dito dahil politically motivated lang lahat ito," pahayag pa ni Maliksi.
Nag-ugat ang suspensyion kay Maliksi matapos akusahan at kasuhan sa Ombudsman ni Remulla kaugnay sa maanomalyang pag-bili ng 7,500 sako ng bigas na nagkakahalaga ng P7.5 milyon noong October 2004.
Nanatili naman ang pagtanggi ni Maliksi sa akusasyon ni Remulla at pinatunayang naganap ang transaction ng nasa legal na proseso at walang anumang malisya. (Dagdag ulat ni Angie dela Cruz)