Ayon sa ulat na tinanggap ni Provincial Health Officer Dr. Romeo Maano, kasalukuyan pang inaalam ang mga pangalan ng mga biktima na umanoy nagkaka-edad ng nasa 6-12.
Pinauwi na matapos mabigyan ng pangunang lunas ng municipal health office ng San Narciso, Quezon ang 13 katao habang ang 17 iba pa ay nananatiling nasa ospital at patuloy na sumasailalim sa medikasyon.
Base sa ipinadalang ulat ng San Narciso Municipal health office sa Provincial Health Office (PHO), nakuha ng mga residente ng naturang barangay ang bacteria mula sa tubig inumin sanhi ng matinding pagtatae at dehydration na nanggaling sa isang bukal at sa kinain nilang kinilaw na alamang.
Nakaranas umano ng pananakit ng tiyan, pagsusuka at panghihina ang mga tinamaan na naging dahilan upang sila ay isugod sa pinakamalapit na pagamutan.
Bukod sa tulong medikal na ipinagkakaloob ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ni Mayor Victor Reyes sa mga biktima ay kaagad ring nagsagawa ng medical mission si Vice Gov. Jay-jay Suarez at nagkaloob ang mga kinakailangang gamot.
Nagpadala na rin ng kanyang mga medical staff sa San Narciso, Quezon si Dr. Maano upang patuloy na imonitor ang kalagayan ng mga pasyente at mahadlangan ang pagdami ng mga biktima.
Sinabi rin ng provincial health officer na hindi pa naman maituturing na outbreak ang nasabing kaso dahil kontrolado pa ang sitwasyon at isolated cases lamang ito. (Tony Sandoval)