Magkaibigan nakuryente, patay |
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Maging sa kamatayan ay naging magkasama ang magkaibigang magsasaka makaraang makuryente habang naglalakad sa palayang sakop ng Zone 8, Barangay Nes San Roque sa bayan ng Pili, Camarines Sur kamakalawa. Hindi na umabot ng buhay sa Dr. Bascuna Clinic ang mga biktimang sina Jose Gonowon, 47; at Noel Namayoba, 48. Base sa ulat ng pulisya, naglalakad papauwi ang magkaibigan nang masagi ng pala na dala ang nakalaylay na talop na linya ng kuryente. Dahil sa lakas ng boltahe ay agad na nangisay si Gonowon at nadamay naman si Namayoba dahil sa pagtulong sa kaibigan. Agad naman sumaklolo ang ilang kaibigan, subalit hindi na umabot ng buhay sa ospital.
(Ed Casulla) College student dedo sa ambush |
CAVITE Kumpirmadong napatay ang isang 20-anyos na college student makaraang tambangan ng mga armadong kalalakihan sa kahabaan ng highway na sakop ng General Trias, Cavite kamakalawa ng gabi. Tatlong bala ng baril ang tumapos sa buhay ni Jojit Dinglasan na residente ng Barangay Alingaro ng bayang nabanggit. Sa imbestigasyon ni PO2 Jojit Ramos, sakay ng motorsiklo ang biktima nang dikitan ng kotse na may lulang mga armadong kalalakihan. Ayon sa ilang saksi, sunud-sunod na putok ng baril ang umalingawngaw at duguang bumulagta ang biktima. May teorya ang pulisya na napagtripan lamang ng mga adik sa droga ang biktima.
(Cristina Timbang) Tumanggi sa tagay, tinodas |
QUEZON Binaril at napatay ang isang 45-anyos na obrero ng kanyang kapitbahay makaraang tumanggi ang biktima sa inaalok na tagay na alak ng huli sa naganap na karahasan sa Barangay Mangilag Sur, Candelaria, Quezon kamakalawa. Napuruhan sa kaliwang dibdib at likurang bahagi ng katawan ang biktimang si Hilarion Delgado y Garna, habang tugis ng pulisya ang suspek na hindi nabatid ang pagkikilanlan. Napag-alamang ginising ng suspek ang biktima para makipag-inuman, subalit tumanggi ito kaya nagalit naman ang una hanggang sa maganap ang krimen
. (Tony Sandoval) Sekyu sinabihang supot nanaksak |
CAMARINES NORTE Kasalukuyang nasa kritikal na kalagayan ang isang security guard matapos na saksakin ng kanyang kabaro sa harapan ng Dolor Hotel sa bayan ng Daet, Camarines Norte kamakalawa ng gabi. Malalim na saksak ng patalim sa tiyan ang tinamo ng biktimang si Mervin Lukban ng Barangay Daguit, Labo, Camarines Norte at miyembro ng Corinthian Security Agency. Tugis naman ng pulisya ang suspek na security guard ng V3 General Merchandizing. Nabatid na inakusahan ng biktima ang suspek na supot kaya nagkaroon nang komprontasyon ang dalawa hanggang sa magkasuntukan. Hindi naman naramdaman ng biktima na sinaksak siya ng suspek dahil icepick ang ginamit at ngayon ay nasa Talobatid Provincial Hospital.
(Francis Elevado)