Passport Serbilis ilulunsad
BALANGA CITY, Bataan Nakatakdang ilunsad ng Department of Foreign Affairs ang programang "Passport Serbilis" sa mga residenteng kuwalipikadong mabigyan ng pasaporte para makapagtrabaho sa abroad, maging immigrants at turista na sinuportahan ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Bataan Governor Enrique "Tet" Garcia Jr. sa Bulwagan ng Bayan Capitol Compound. Ito ang ipinahayag ni Daniel Rico, ng Provincial Employment Services Office kung saan magsisimula ang processing sa Marso 1 hanggang 2 at pagbibigay ng pasaporte sa mga kwalipikadong aplikante sa Marso 3, 2007 sa nasabing lugar. Ang mga aplikante ay kailangang makapagsumite ng tama at kumpletong dokumento para sa gagawing pre-qualification ng PESO mula Enero 15 hanggang Pebrero 28, 2007. Una nang inilunsad ang nabanggit na programa noong Setyembre 23, 2006 kung saan aabot sa 847 aplikante ang nabigyan ng pasaporte. (Jonie Capalaran)