Si Sen. Revilla ang sinisisi ni Maliksi na dahilan ng kanyang pagkakasuspinde matapos na tanggihan ng partido ng huli ang alok ng una na maging bise gobernador ang kanyang asawang si Lanie Mercado.
Kinumpirma ng ilang opisyal ng lokal na pamahalaan sa Cavite ang pahayag ni Sen. Bong na bababa siya sa posisyon upang labanan si Maliksi sa pagka-gobernador matapos tanggihan ng partido ng nasabing governor ang inilapit na pakikipag-alyansa at gagawa ng hakbang upang buhayin ang suspensiyon ng gobernador.
Sa panayam kay dating Cong. Del Abaya ng 1st district ng Cavite, pinatotohanan niyang nagkaroon ng pagpupulong sina Gov. Maliksi at Sen. Bong Revilla sa isang 5-star hotel sa Makati City noong Miyerkules (Enero 3).
Inirekomenda ni Sen. Revilla, ang sariling asawa na si Lanie Mercado para maging running mate bilang bise gobernador sa nalalapit na eleksyon.
Subalit sumagot si Gov. Maliksi na ikokonsulta muna niya sa mga miyembro at lokal ma pamunuan ng Liberal Party bago siya makabuo ng desisyon.
Noong Biyernes (Enero 5) ay nagpulong ang mga kaalyado ni Gov. Maliksi at inihayag ang suhestiyon ni Sen. Bong Revilla na magkaroon ng koalisyon upang kasama bilang bise gobernador si Mercado, subalit tahasang tinanggihan ng mga kasapi ng partido.
Ayon naman kay General Trias Mayor Luis Ferrer IV na kasama sa ginanap na konsultasyon, na irerekomenda namin kay Gov. Maliksi ang karapat-dapat na tumakbo bilang bise gobernador.
Samantala, iginiit naman kahapon ni Sen. Bong Revilla na wala siyang kinalaman sa anim na buwang suspensiyon ni Gov. Maliksi na ipinatupad ni DILG Sec. Ronaldo Puno bunsod na rin ng kautusan ng Ombudsman sa kasong administratibo na isinampa ni Vice Governor Jonvic Remulla na pinaniniwalaang may kaugnayan sa pagbili ng P7.5 milyong bigas noong 2004.
Dahil sa nangyari, nagpasya si Senador Revilla na huwag nang patakbuhin ang kanyang asawa sa pagkabise-gobernador.
Gayon pa man, ipinatupad na kahapon ng pamunuan ng Philippine National Police ang paghihigpit ng seguridad sa provincial capitol ng Cavite bilang pagtalima sa direktiba ng Department of Interior and Local Government (DILG) kasunod ang anim na buwang suspension laban kay Cavite Gov. Ireneo "Ayong" Maliksi dahil sa nakaambang people power ng mga tagasuporta ng nasabing opisyal. (Mhar Basco, Joy Cantos At Rudy Andal)