Mag-ina inatado

CABANATUAN CITY – Isang 60-anyos na biyudang ina ang iniulat na nasawi habang kritikal naman ang anak nito makaraang pagsasaksakin ng isang adik na nag-amok sa Barangay Aduas Norte, Cabanatuan City, kamakalawa ng gabi. Kinilala ng pulisya ang napatay na biktimang si Ambrocia Reyes y Concepcion, samantalang ginagamot naman sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Hospital, si Leonora Arellano y Reyes, 33, kapwa naninirahan sa #158 Batisan Street, ng nabanggit na barangay. Tugis naman ng mga tauhan ni P/Supt. Eliseo Cruz, ang suspek na si Christopher "Cris" Alla, 21, ng Flowerlane Street, Barangay Aduas Sur ng nasabing lungsod. Sa imbestigasyon ng pulisya, nagkasamang nanonood ng telebisyon ang mag-ina nang biglang pumasok ang suspek na may hawak na icepick saka isinagawa ang krimen. (Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments