Engkuwentro: 2 NPA rebs patay

CAMP GUILLERMO NAKAR, Quezon – Dalawang rebeldeng  New People’s Army ang napaulat na napatay sa umaatikabong bakbakan laban sa tropa ng militar sa mabundok na bahaging sakop ng bayan ng San Narciso, Quezon noong Sabado ng umaga.

Kinilala ni Lt. Col Rhoderick Parayno, Southern Luzon Command (SOLCOM) public information officer, ang napatay na rebelde na si alias "Ka Egay", sekretaryo ng Plager Magtanggol at KSPN (Komiteng Seksyon sa Platun) Buela ng Kilusang Larangang Guerilla (KLG) 41 na may modus operandi sa Bondoc Peninsula sa Quezon.

Ani Parayno, nakatanggap ng impormasyon ang 74th Infantry Battalion mula sa mga residente ng Barangay Punta, San Narciso na may gumagalang mga armadong kalalakihan na pinaniniwalaang rebeldeng NPA bandang alas-6:30 ng umaga.

Sa pangunguna ni Lt. Col. Amado Bustillos, hepe ng 74th Infantry Battalion, agad na nagtungo ang tropa nito sa nasabing lugar at nakasagupa ang tinatayang aabot sa 30 rebelde na tumagal ng hanggang alas-12 ng tanghali ang madugong sagupaan. 

Ayon sa militar, marami ang nasugatan sa panig ng mga rebelde na binubuhat ng mga kasamahan nila habang umaatras patungong kabundukan.

Bukod kay "Ka Egay," may isa pang rebelde na napatay na hindi pa rin nakikilala hanggang sa kasalukuyan.

Nakarekober ang mga sundalo ng isang M16 Armalite rifle, mga subersibong dokumento at laptop computer sa pinangyarihan ng engkuwentro.

Sa pakikipag-ugnayan ni Lieutenant General Alexander Yano, Southern Luzon Command chief, ay mabilis naman nagpadala ng dalawang gunship helicopters para magbigay ng air support sa mga sundalo na tumutugis sa mga rebelde. (Arnell Ozaeta at Angie Dela Cruz)

Show comments