Sa rekomendasyon, iginiit ng SP Members ang 60 days preventive suspension laban kay Limay Mayor Nelson David, pangulo ng Liga ng mga Mayor sa Bataan makaraan na maisagawa ang masusing imbestigasyon sa isinampang kasong administratibo ni Manuel De Leon, foreman ng Virgilio P. Roque Construction Company laban sa nasabing alkalde. Nag-ugat ang kaso sa umanoy hindi pagbibigay ng building permit at contractors business permit ni David, may-ari NCD Construction and Trucking sa DAELIM Philippines Inc.; isang Korean construction dahil lang umano na hindi sa NCD nai-award ang P100 milyon halaga ng proyekto sa loob ng Petron.
Nai-award sa DAELIM Phils. ang naturang proyekto habang ang Virgilio Roque Construction Co. naman ang lumalabas na sub-contructor. Aniya ito ay isang lantarang paglabag sa R.A.6713 o code of conduct and ethical standards for public officials and employees partikular sa Sec. 9 at paglabag din sa RA 3019 o anti-graft and corrupt practices act dahil ginamit din umano ni David ang kanyang posisyon para i-harass ang mga contractors ng Petron Refinery projects at iniutos ang pagpapatigil dito.
Iginiit naman ni David na bagamat siya ang may-ari ng NC David Construction and Trucking ay wala umanong "conflict of interest" dito dahil ang kanyang kumpanya ay wala namang financial at material interest sa anumang transaksyon para sa approval, intervention o partisipasyon ng Office of the Mayor ng Limay. (Jonie Capalaran)