1970s nang makapag-asawa ang nag-iisang anak na lalaki ni Jacinto na si Enrico. Lima na ang kanyang mga anak nang maulit ang naganap kay Jacinto. Sa una ay naging balisa si Enrico hanggang sa kalaunan ay nawala na sa katinuan. Katulad ng nasirang amang si Jacinto ay takot din ito sa mga tao. Isang araw natagpuan na lang itong patay. Nakadilat ang mga mata at nakaluwa ang dila habang nakayakap sa isang puno ng niyog sa likod ng kanilang tahanan.
Oktubre 2006, unti-unting kinakikitaan ng pagkawala sa katinuan ang anak ni Enrico na si Enrico Jr. na mas kilala sa pangalang Rico, isang lisensyadong inhenyero. Ilang beses nang dinala sa hospital ang 25-anyos na binata. Sa kalaunan ay naghuhubad na ito sa harap ng maraming tao, naliligo sa ulan na tila sarili ang mundo, subalit pare-pareho ang findings ng mga manggagamot. Lumitaw sa makabagong pagsusuri ng mga doctor na walang nakita na recessive o dominant genes na maaaring hereditary features ng kanilang lahi.
Sa ngayon, ang pamilya Pagliauan ay iniiwasan ng mga kadalagahan at kabinataan dahil sa takot na baka mapabilang sa lahing isinumpa. Ang kapatid ni Rico na si Katrina na nurse ay nilayasan ng asawa, kasama ang tatlong anak. Maging si Rico ay hiniwalayan din ng nobya nito na napag-alaman na nagdadalantao na at si Rico ang ama. Sino sa lahi ni Jacinto ang susunod sa yapak nito na may nakaambang kamandag ng sumpa ni Lolo Tasyo?