Illegal recruiter nasakote
OLONGAPO CITY Rehas na bakal ang kinasadlakan ng isang 42-anyos na lalaking illegal recruiter na pinaniniwalaang may mga nakabinbing kasong kriminal matapos na masakote ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group-Zambales sa isinagawang operasyon sa Subic Bay Freeport Zone kamakalawa ng hapon. Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Alipio Flores ng Vigan, Ilocos Sur Regional Trial Court Branch 20 sa kasong large scale estafa na walang piyansa, inaresto ang suspek na si Nestor Ruiz ng Barangay Rizal, San Antonio, Zambales. Ang suspek ay naaktuhan ng mga tauhan ni P/Supt. Rene Ong na nakikipagnegosasyon sa dalawa na namang biktima. (Jeff Tombado)
Editor binoga ng brodkaster
CAMP CRAME Binaril at nasugatan ang isang 53-anyos na dating editor ng lokal na pahayagang Visayan Tribune ng sariling tiyuhing broadcaster sa naganap na karahasan sa Iloilo City, kamakalawa. Kinilala ang biktima na si Napoleon Nava ng Brgy. Banguit, Cabatuan na naisugod sa Western Visayas Medical Center dahil sa tama ng bala sa kaliwang hita. Hindi malinaw sa ulat kung nasakote ang suspek na si Sumakwel Nava ng Aksyon Radyo at co-host sa programang "Reklamo sa Publiko." Napag-alamang nagkita ang dalawa sa opisina ni Rolan Causing sa ilalim ni Gov. Niel Tupas. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay naganap ang pamamaril. (Joy Cantos)