LUCENA CITY Arestado ang isang 38-anyos na guro na pinaniniwalaang illegal recruiter makaraang ireklamo ng 98-katao sa Lucena City, Quezon kamakalawa. Kinasuhan ng large scale estafa ang suspek na si Julieta Victoria de los Angeles ng Tayabas, Quezon at gumagamit ng alyas Maria Julieta Victoria Ravalo at Jovie. Sa ulat ni P/Senior Supt. Reuben Theodore Sindac, police chief sa bayang nabanggit, napag-alamang nakakolekta ng malaking halaga ang suspek sa mga biktima sa pangakong trabaho sa South Korea, subalit sa ginawang beripikasyon ng mga biktima sa Phil. Overseas Employment Administration (POEA), hindi naman lisensyadong recruiter. Agad namang dumulog sa mga awtoridad ang mga biktima at mabilis namang nadakip ang suspek.
(Tony Sandoval) 2 tulak timbog sa buy-bust |
CAVITE Nahulog sa bitag ng mga tauhan ng Phil. Drug Enforcement Agency ang dalawang notoryus na tulak ng droga sa isinagawang buy-bust operation sa bahagi ng Barangay Zapote 3, Bacoor, Cavite kamakalawa. Pormal na kinasuhan ng mga tauhan ni P/Senior Supt. Abe Lemos, ang mga suspek na sina Richard Reyes, 25; at Ma. Lourdes "Beth" Miranda, alyas "Baby Tsina", 37 at residente ng nasabing lugar. Ang mga suspek na nakumpiskahan ng 50 gramo ng shabu na may halagang P.220 milyon. Ayon pa sa ulat, ang dalawa ay pangunahing supplier ng droga sa Las Piñas, Metro Manila; Bacoor at Dasmariñas sa Cavite.
(Cristina Timbang) Pulis dinukot ng NPA rebs |
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Isa na namang alagad ng batas ang dinukot ng mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) sa bahagi ng Barangay San Antonio sa bayan ng Barcelona, Sorsogon kamakalawa ng gabi. Wala pang malinaw na ulat kung saan dinala ang biktimang si PO1 Edwin Bobadilla Estavillo na nakatalaga sa himpilan ng pulisya sa munisipalidad ng Magallanes. Sa pinakahuling ulat na nakalap, ang biktima ay nakikipag-inuman ng alak sa mga kaibigang sina Barangay Kagawad Nori Pedrosa at Joseph Fred Estanol nang lapitan ng mga armadong kalalakihan. Walang nagawa ang biktima nang igapos ang kanyang mga kamay at kaladkarin. Hindi nakalapag ang dalawang kainuman ng biktima at agad namang ipinagbigay-alam sa kinauukulan ang insidente.
(Ed Casulla) Mga kawani ng Gapo nag-PSEA |
OLONGAPO CITY Sumailalim sa seminar ang mga kawani ng Olongapo City Hall tungkol sa Public Service Ethics and Accountability (PSEA) upang lalong mapaglingkuran ang publiko. Sa pahayag ni Olongapo City Mayor James "Bong" Gordon Jr., ang nasabing seminar na ginanap sa Gapo Convention Center sa pakikipagtulungang ng lokal na pamahalaan at Civil Service Commission ay upang mapataas ang antas ng serbisyo ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan. Sa nabanggit na seminar, tinalakay ni Jesusa Censon de Leon, director ng CSC field office sa Iba, Zambales, ang mga dapat na kalidad ng serbisyong ibinibigay ng mga lingkod-bayan sa mamamayan. Kaugnay nito, ipinaalala din sa seminar ang mga prinsipyo ng gobyerno katulad ng kortesiya at epektibong pagseserbisyo. Ipinaliwanag din na ang paglilingkod sa tao ay isang responsibilidad at hindi namimili ng pinaglilingkuran.