Tatlong bala ng ingram machinegun sa tiyan at tatlo naman sa balikat ang tumapos sa buhay ni P/Senior Insp. Noel Largadas, matapos na paputukan ng suspek na si ex-police officer Michael Rosales dakong alauna y medya ng madaling-araw may 500 metro lamang ang layo mula sa tirahan ng biktima sa Poblacion, Cabugayan.
Ayon kay P/Senior Supt. Conrado Calvario, Biliran provincial director, ang krimen ay naganap matapos dumalo ng birthday party ang biktimang naisugod pa sa Tacloban Hospital, subalit hindi na umabot ng buhay.
Lumitaw sa pagsisiyasat, na ang pangunahing motibo ng krimen ay personal na alitan ng dalawa na may kaugnayan sa demanda na isinampa ng biktima laban sa suspek na posibleng bumaba ang hatol ilang araw na lamang.
"Wala na kaming nakikitang ibang motibo sa nasabing kaso kundi ang matagal na alitan ng dalawa, kaya kinokonsidera naming sarado na ang kasong ito," dagdag pa ani Calvario.
Sumuko naman sa pulisya ang 58-anyos na suspek makaraaan ang maikling negosasyon ni Calvario may ilang oras matapos isagawa ang krimen.
Itinanggi naman ng suspek ang akusasyon, subalit maraming nakasaksi sa krimen, ayon kay Calvario.
Pansamantalang itinalagang kapalit ni Largadas na tubong Sohod, Southern Leyte, si Inspector Joel Malibago. (Miriam Desacada)