CNN reporter hinoldap sa Baguio

BAGUIO CITY — May posibilidad na kumalat sa iba’t ibang panig ng mundo ang nakakahiyang masaklap na karanasan ng isang 27-anyos na CNN Thai reporter, makaraang holdapin ng dalawang armadong kalalakihan sa bahagi ng Botanical Garden sa Baguio City noong Lunes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Naisha Makai Buburah, writer ng programang "Animal Planet," na nagtungo sa nabanggit na lungsod noong Sabado (Nobyembre 4), para makipagkita sa kanyang naging ka-textmate sa loob ng dalawang taon, na nakilala lamang sa pangalang Alice ng La Trinidad, Benguet.

Napag-alamang magkasamang nagtungo sina Naisha at Alice sa Botanical Garden at makalipas ang ilang minutong pag-uusap ay nagpaalam na ang babae na aalis.

Habang nag-iisa ang biktima ay lumapit at hinoldap ng dalawang armadong lalaki na sakay ng motorsiklo.

Ayon sa pulisya, natangay mula sa biktima, ang celfone na nagkakahalagang P50,000, USD 500, 6,500 baht; P6,500 at ATM card.

Agad naman dumulog sa himpilan ng pulisya ang biktima na nagsagawa naman ng operasyon, subalit bigong mahanap ang mga suspek.

Nabatid na si Nashi ay half-Pilipino, dahil ang ina nito ay second degree cousin ni Ilocos Sur Governor Luis "Chavit" Singson. (Artemio A. Dumlao)

Show comments