2 suspek sa Albay masaker, sumuko
LEGAZPI CITY Dalawa sa limang suspek na isinasangkot sa Albay masaker sa bayan ng Camalig ang sumuko kahapon sa mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI). Nakilala ang mga suspek na sumuko ay sina Romy Palovino, hepe ng barangay tanod at Pedro Nopia, barangay tanod, samantala, kabilang naman sa mga suspek na tugis ng pulisya ay sina Pablo Nopia, Jesus Nopia Jr. at Willy Nasol na pawang residente ng Barangay Tumpa, Camalig, Albay. Ayon kay Atty. Tomas Enrile, hepe ng NBI sa Legazpi City, ang dalawang suspek ay sinundo sa bahagi ng Barangay Libod, Camalig, Albay. Ang dalawang suspek ay iprinisinta ni PC/Supt. Victor Boco ang PNP Regional Director at NBI Chief ng Legazpi sa isang pressconference na isinagawa sa tanggapan ng NBI. Base sa record ng pulisya, pinagtataga hanggang sa mapatay ng mga suspek ang mag-asawang Jesus at Marlyn Moral; mga anak na sina Kenneth, Pipoy, Jesus Jr., at Gil Moral na pawang residente ng nabanggit na barangay. (Ed Casulla)