Ito ang pahayag ni AFP-Nolcom chief Lt. Gen. Bonifacio Ramos, base sa isinagawang tactical interrogation laban sa sumukong rebel leader na si Edward Cabanero, alyas Ka Jerry.
Si Ka Jerry na dating squad leader ng Platoon Alfa, Kilusang Larangan Gerilya Front 1 sa ilalim ng Nueva Ecija Provincial Committee at residente ng Campo 3, Barangay Kita-Kita, San Jose City ay boluntaryong sumuko sa Armys 48th Infantry Battalion sa ilalim ng pamumuno ni Lt. Col. Joselito Kakilala.
Napag-alamang nagdesisyong sumuko si "Ka Jerry" dahil demoralisado ang kanilang kilusan sa kalaswaan at kawalang paggalang sa mga kababaihan na kinasasangkutan ng kaniyang mga kasamahang lider na sangkot sa panghahalay sa mga babaeng kasapi ng rebel movement.
Kinumpirma naman ni "Ka Jerry" na mismong siya ay nakasaksi sa ginawang summary execution laban sa mga dating kasamahang rebelde na inakalang espiya ng gobyerno.
Magugunita na isiniwalat din ni Leopoldo Caluza, lider ng Regional Operational Command sa Central Luzon at kalihim ng Nueva Ecija Provincial Committee na nasakote ng mga operatiba ng pulisya ang ginawang summary execution laban sa isang 19-anyos na coed na si Kathlyn Ramos noong 2002 na napagkamalang espiya ng militar. (Joy Cantos)