Kabilang sa mga biktimang pinalaya ay sina Nona Espinosa, secretary general ng Teatro Obrero; Rolito Namion, secretary general ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas; Gimalyn Barcelo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas; Gasper Davao at Alfred Chata, organizers ng National Federation of Sugar Workers.
Batay sa ulat, ang limang lider ng militanteng grupo ay dinukot dakong alas-2 ng hapon habang nangangalap ng impormasyon hinggil sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao.
Ayon sa salaysay ng mga lider-aktibista, bigla na lamang silang sinunggaban ng mga armadong lalaki na nakasuot ng fatigue uniform ng mga sundalo na walang nameplate na hinihinala nilang mga sundalo ng Armys 11th at 12th Infantry Battalion. Itinanggi naman ng militar sa lalawigan ang akusasyon sa pagsasabing wala itong basehan at propaganda lamang ng mga lider-militante para makakuha ng simpatiya sa taumbayan.
Tinutukan sila ng baril ng mga armadong lalaki kung saan ay sumigaw pa ang isa sa mga ito nang Walang karapatan, karapatan, pahayag ni Fred Caña, secretary general ng human rights group ng KARAPATAN na nabase sa lalawigan sa isang radio interview.
Ang mga biktima ay sapilitang isinakay sa van at pinagbibintangang traydor na kasapi ng mga rebeldeng New Peoples Army (NPA).
Nabatid na ang lima ay dinala sa kabundukan ng Brgy. Codcod dakong alas-5 ng hapon at pinalaya lamang dakong alas-8:30 ng umaga nitong Martes. (Joy Cantos)