Killer dedo sa alertong pulis

CAMP CRAME – Karit ni kamatayan ang sumalubong sa isang bayarang mamamatay-tao makaraang mabaril ng isang alagad ng batas sa bayan ng Naguilan, Isabela kamakalawa ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang napatay base sa nakuhang identification card nito na si Ben Gapusan ng Barangay Gappal, Cauayan City, Isabela, matapos na mapuruhan sa ulo ng bala ng baril at pagkabali ng buto.

Base sa ulat, dakong alas-10 ng gabi habang paidlip na ang target na si PO2 Arnold de la Cruz ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nakabase sa Santiago City ay nasilip nito mula sa salamin ng kanilang bintana si Gapusan habang umaakyat sa punongkahoy at sasampa na sa nakabukas na bintana sa kanilang palikuran.

Sa puntong ito ay hindi na nag-aksaya ng pagkakataon ang naturang pulis at agad na binaril ang lalaki sa ulo at tuluyang bumagsak.

Sa isinagawang pag-iinspeksyon ay nasamsam mula sa katawan ni Gapusan ang isang cal. 38 pistol na pinaniniwalaang inupahan para patahimikin si de la Cruz. (Joy Cantos)

Show comments