Ang dalawang bangkay na nadiskubre ng mga tauhan ng 1207th Sultan Kudarat Police Mobile Group sa back compartment ng inabandong kotse na Sedan KIA (LMG-531) sa Barangay San Antonio, Tacurong City ay nakilalang sina PO1 Salahudin Tuti na nakatalaga sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Kabuntalan at si PO1 Abdul Saudi na naka-assign sa Maguindanao Provincial Police Office.
Ang pagkakadiskubre ng insidente ay matapos ang sampung oras na pasabugin ang pampublikong palengke sa Sultan Kudarat na ikinasugat ng apat na sibilyan.
Nakilala ang mga biktimang tinadtad ng bala ng malalakas na kalibre ng baril mula ulo hanggang paa base na rin sa mga identification card na nakuha sa kanilang katawan, ayon kay P/Supt. Kadil Masahod, group director ng1207th Sultan Kudarat Police Mobile Group.
"Posibleng pinatay sa ibang barangay ang mga biktima. Dito nila siguro gustong itapon sa Tacurong City pero dahil sa masyadong mahigpit ang seguridad at natakot na mahuli kaya iniwan na lang sa liblib na barangay ang sasakyan," pahayag pa ni Masahod.
Ayon sa ulat, ang Tacurong City ay isinailalim na sa high alert dahil sa bomb explosion noong Martes sa nabanggit na lugar.
Naglagay na rin ng mga checkpoint ang militar at pulisya para mapigilan ang pagpasok ang mga teroristang maghahasik ng lagim.