Nabalot din sa matinding tensyon ang nasabing bayan matapos tumangging bumaba si Mayor Bendaña sa kanyang puwesto at magbarikada ang mga supporter nito sa harap ng munisipyo na nagbunsod para magtalaga ng 200 pulis mula sa Batangas Provincial Police Office noong Lunes.
Magkakasamang naghain ng order ang mga tauhan ng DILG, Comelec, PNP na pinangunahan ni DILG Municipal officer Luzviminda Castillo na malugod namang tinanggap ni Mayor Bendaña ng Liberal Party.
Ayon sa order ni DILG Undersecretary Wencelito Andanar na pinatupad naman ni Director Roberto Abejero ng DILG Region 4, inutusan si Bendaña na mag "cease and desist" sa pagganap bilang alkalde ng Lemery matapos kilalanin si Eulalio Alilio ng Lakas Party at mga konsehal na sina Lenelita Balboa, Alicia Mangubat at Roberto Ricalde na nanalo nuong May 2004 eleksyon.
Nag-ugat ang pagpapalabas ng order matapos maghain si Alilio at ang tatlong konsehal sa Regional Trial Court-Branch 5 laban kina Bendaña at mga konsehal na sina Rosendo Eguia, Vincent Vergara, Rodolfo de Castro at Melencio Vidal dahil sa iregularidad sa eleksyon.
Sa 6-pahinang desisyon ni Judge Edwin Larida ng Tagaytay Regional Trial Court noong September 27, nakakuha ng kabuuang 14,843 boto si Alilio kumpara sa 13,799 ni Bendaña o 1,044 boto na lamang ni Alilio.
Magugunitang nanalo sa May 2004 eleksyon si Bendaña na may botong 17,679 boto laban kay Alilio na may 17,212 boto o 467 kalamangang boto hanggang sa magreklamo ang huli sa korte.
Ayon kay P/Senior Supt. Edmund Zaide, Batangas police director naihain ang DILG order bandang alas-10 ng umaga nang wala namang kaguluhang naganap sa magkabilang panig.
Sa panayam ng PSN kay Bendaña, nagpahayag ito ng pagkadismaya sa naging resulta ng court decision at itutuloy pa rin nito ang pag-apela sa mas mataas na hukuman hanggang makamit aniya ang hustisya.
"Hindi ako kumbinsido dahil alam kong minadali ang court decision" pahayag ni Bendaña
Nagdesisyon na lamang bumaba si Bendaña upang maiwasan ang posibleng madugong komprontasyon ng kanyang supporters at mga awtoridad.
Ayon naman kay Alilio, pupulungin agad nito ang lahat ng kanyang department heads at mga kawani para maibalik sa kaayusan ang mga transaksyon sa munisipyo. (Arnell Ozaeta)