Sta. Rosa mayor sinuspinde

STA. ROSA CITY, Laguna – Nahaharap ngayon sa anim na buwang suspension si Sta. Rosa Mayor Jose "Joey" Catindig Jr., matapos magpalabas ng desisyon ang Office of the President sa pamamagitan ng Department of Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa kasong abuse of authority, oppression at grave misconduct.

Nagbunsod ang suspension order ni Catindig matapos magreklamo ang dalawa nitong tauhan na sina Nelia Carvajal at Erlinda Creencia ng kasong administratibo sa Malacañang at Civil Service Commission dahil sa illegal na pagtatangal sa kanilang puwesto sa City Hall.

Si Carvajal ay dating city accountant na nilipat bilang hepe sa City Cooperative, samantalang si Creencia naman ay dating hepe ng City Environment and Natural Resources Officer (Cenro) na inilipat naman bilang head ng City Housing Office noong June 2, 2005.

Ang re-assignment ni Carvajal at Creencia ay naganap isang buwan matapos umupo si Catindig bilang alkalde nang mapatay si dating Mayor Leon Arcillas sa loob mismo ng City Hall ng mga hindi kilalang hitmen.

Sa 6-na pahinang desisyon na nilagdaan ni Executive Secretary Eduardo Ermita sa kapasyahan ni President Gloria Macapagal-Arroyo na may petsang October 2, 2006, Si Catindig sa ilalim ng partido Independent ay napatunayang guilty sa kasong oppression at dalawang ulit na abuse of authority at iniutos na maparusahan ng anim na buwang suspension.

Mariin naman itong pinabulaanan ni Mayor Catindig sa isang press conference na naganap sa loob mismo ng kanyang tanggapan at nilinaw na wala pa siyang natatanggap na order mula sa Malacañang

"Ito ay isang malinaw na harassment at politika lamang," ani Catindig, "My case against Carvajal and Creencia has all the merits and I’m not violating any constitutional rights," dagdag pa nito.

Base sa desisyon na nakalap ng PSN, noong June 6, 2005 tumangging sumunod si Carvajal at Creencia sa memorandum na ipinalabas ni Mayor Catindig na nagsasaad ng kanilang transfer na nagbunsod para maghain ng reklamo sa Malacañang at Civil Service Commission sa Region 4.

Pinanigan naman ang reklamo ng dalawa at iniutos na ibalik sila sa kanilang orihinal na puwesto, na nagbunsod para maghain ng apela si Mayor Catindig sa CSC na na-deny naman.

Ayon kay Catindig, ibinalik naman niya ang dalawang kawani sa kanilang orihinal na posisyon at iginiit nito na ang ginawa niya ay nakasaad lamang sa kanyang kapangyarihan bilang chief executive ng siyudad.

Sa kabila noon, sinampahan pa rin siya ng suspension ng Malacañang dahil sa nagawa nitong desisyon na "in bad faith" at walang pahintulot ang dalawang complainant.

Nagtipon naman ang daan-daang taga suporta ni Catindig sa harap ng City Hall para ipahayag ang kanilang suporta habang hinihintay ang pormal na paghahain ng suspension order ng DILG mula sa Malacañang. (Arnell Ozaeta at may dagdag ulat ni Ed Amoroso)

Show comments