6 bata nilamon ng apoy

TAYTAY, Rizal — Maging ang anim na bata kabilang na ang limang mag-uutol na magkakatabing natutulog sa kanilang bahay ay hindi kinaawaan ni kamatayan makaraang lamunin ng apoy ang mga biktima sa naganap na sunog sa Barangay Sta. Ana, Taytay, Rizal kahapon ng madaling-araw.

Ang mga musmos na biktimang natagpuan ng mga awtoridad na magkakayakap na tinupok ng apoy ay nakilalang sina Aljaman Daud, 7; Arman, 6; Alia, 5; Alp, 4; Alvin Daud, 2; at si Manases Dioso, 9, na nakitulog lang sa bahay ng pamilya Daud.

Napag-alaman din na ang mga magulang ng mga bata ay kapwa nakapiit sa Camp Crame matapos na masakote sa kasong bawal na gamot at inihabilin lang ang mga anak sa pangangalaga ng mga kamag-anakan.

Ayon sa tagapagsiyasat ng Taytay Bureau of Fire Protection na si FO1 Conrado Na- poles, naitala ang insidente dakong alas-2:30 ng madaling-araw matapos na kumalat ang apoy sa bahay ng mga Daud sa Block 2 Bonifacio Road, Bay Garden Homes ng nasabing barangay.

Base sa salaysay ng 15-anyos na si Baby Lyn Lantion, pinsan ng magkakapatid at bantay ng mga bata, natutulog ang mga biktima sa ikalawang palapag ng bahay at dahil sa kawalan ng kuryente ay gumamit ng kandila.

Subalit nakatulugan na ng mga bata ang nakasinding kandila na nakapatong lamang sa lamesa na pinaniniwalaang natumba dahil sa lakas ng hangin.

Dahil sa manipis na kahoy ang kabuuang bahay ay mabilis na kumalat ang apoy at hindi na nakababa pa ang anim habang nailigtas pa ni Lantion ang mag-utol na Daud na sina Ahmad, 11; at Ismael, 8. 

Dakong alas- 3:40 ng madaling-araw nang maapula ng mga pamatay-sunog ang apoy at natagpuan ang anim na bangkay ng bata na magkakasama sa isang lugar sa ikalawang palapag ng bahay. (Edwin Balasa)

Show comments