Estudyante ginilitan sa leeg

LEGAZPI CITY – Posibleng may matinding galit ang pumaslang sa isang 20-anyos na estudyante makaraang gilitan sa leeg ang biktima habang natutulog sa sariling bahay sa Purok 6, Renilisan sa Barangay Bonot, Legazpi City kamakalawa. Halos maputol ang leeg ng biktimang si Andrew Christopher Atun II nang matagpuang nakahandusay sa sopa ng kanilang bahay bandang alas-6:30 ng umaga. Wala naman nakuhang anumang naiwan ng suspek para maresolba ang krimen maliban sa isang celfone at barya sa bulsa ng biktima. Hindi naman inaalis ng pulisya ang anggulong adik sa droga ang nagsagawa ng brutal na krimen. (Ed Casulla)
-katao timbog sa pot session
7 CAMARINES NORTE – Pito-katao kabilang ang dalawang sekyu ng Provincial Custodial and Security Division sa Provincial Capitol ang nasakote ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) matapos na maaktuhan sa pot session sa bahay ng isang notoryus drug pusher sa Purok 2, Barangay Mancruz, Daet, Camarines Norte kahapon ng madaling-araw. Kabilang sa mga suspek na dinakma at kinasuhan ay nakilalang sina Dindo Malonzo, Ace Dizmo, Mafe Jimenez, Melchor Miranda, Darius Jose Cancela, ang dalawang sekyu na sina Jayson Nadal at Michael Taup. Bukod sa droga, nakumpiska rin ang isang baril na walang lisensya, ayon sa ulat ni P/Chief Insp. Randy Glenn Silvio, hepe ng CIDG. (Francis Elevado)
Trader itinumba sa tindahan
GUIGUINTO, Bulacan – Naging palaisipan sa mga imbestigador ng pulisya ang pagpaslang sa isang 37-anyos na babaeng trader makaraang madiskubre ang bangkay nito sa inuupahang bahay na ginawang tindahan sa Barangay Tabe, Guiguinto, Bulacan kahapon ng umaga. Sapol sa noo ng bala ng baril ang biktimang si Ana Marie Marcote na may-ari ng Marcote Concrete Pre-cast sa nabanggit na barangay. Ayon kay P/Supt. Ronald de Jesus, ang biktima ay pinaslang habang natutulog noong Miyerkules ng madaling-araw at natagpuan ng kanyang mister kahapon ng umaga. Wala naman tinangay na anumang gamit sa biktima ang killer at hindi rin tumahol ang alagang aso nito. (Dino Balabo)

Show comments