Mag-inang Tsino kinatay

BUSTOS, Bulacan – Pinagtulungang saksakin at pagtatagain hanggang sa mapatay ang mag-inang Tsino ng kanilang tatlong trabahador sa hardware matapos sibakin sa trabaho ang isa sa mga suspek sa Brgy. Bonga Mayor, Bustos, Bulacan, kamakalawa ng gabi.

Magkahiwalay na natagpuan ng pulisya ang dalawang bangkay ng mga biktimang sina Tiaoha Lim, 35; at ang anak na si Ben Lim Lu, 17, kapwa tubong China at may-ari ng hardware sa nabanggit na barangay.

Samantala, nasakote naman ang mga suspek na si Rodolfo Molina at Ricky Eduarte na pawang mga residente ng Brgy. Kakarong sa bayan ng Pandi, Bulacan habang napatay naman ng pulisya ang isa pang suspek na si Julio Aruada matapos na manlaban.

Base sa report na isinumite kay Police Chief Inspector Sabino Vengco, hepe ng pulisya ng bayang nabanggit, bandang alas-6 ng gabi noong Biyernes nang pasukin ng mga suspek ang kuwarto ni Ben Lim Lu at isinagawa ang pamamaslang.

Matapos na mapatay ang anak ay pinasok naman ang kuwarto ng ina ni Ben at pinagtulungan pagtatagain.

Lingid sa kaalaman ng mga suspek ay nakatawag-pansin sa mga kapitbahay ng mga biktima ang sigaw ng binata kaya agad na naipagbigay-alam sa pulisya.

Mabilis namang rumesponde ang pulisya at sa paghahanap sa buong tirahan at bakuran ng mga biktima nadiskubreng nagtatago sa kulungan ng baboy si Molina, habang ang dalawang suspek ay nakorner sa likurang bahagi ng bahay, subalit nanlaban sa pulisya si Aruada kaya napatay.

Inamin naman ni Jimmy Lu, asawa ni Tiaoha, na sinibak niya sa trabaho si Molina dahil sa ginagawang anomalya sa kanilang hardware.

Pormal na sinampahan ng kaukulang kaso ang dalawang suspek na ngayon ay nakapiit sa himpilan ng pulisya.

Show comments