PDEA agent, misis timbog sa shabu

BINANGONAN, RIZAL – Arestado ang isang pulis na ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at asawa nito na umano’y pawang tulak ng illegal na droga makaraang salakayin ng awtoridad ang kanilang bahay kamakalawa ng gabi sa Brgy. Pantok ng bayang ito.

Ang mga naarestong suspek ay sina SPO4 Glen Logan, miyembro ng Philippine National Police at nakatalaga sa PDEA main office at asawa nito na si Mercedez Piconez-Ilagan.

Ayon sa ulat ni P/Sr. Supt. Freddie Panen, dinakip ang mga suspek dakong alas-10:30 ng gabi sa loob ng kanilang bahay sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Exec. Judge Reynaldo Ros ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 33 matapos na makatanggap ng impormasyon na ang mga suspek ang siyang nagtutulak ng shabu sa nasabing lugar.

Nasamsam sa loob ng bahay ng mga suspek ang may 10 gramo ng shabu, timbangan at kalibre .45 baril. (Edwin Balasa)

Show comments