2 tiktik ng militar dinukot

CAMP CRAME – Dalawang kalalakihan na tumatayong tiktik ng militar ang iniulat na dinukot ng mga armadong kalalakihan na nagpakilalang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Barangay Bueno, Capas, Tarlac, ayon sa ulat kahapon.

Kinilala ang mga biktima na sina Nicolas Sanchez, 28; at Heherson Medina, 30, na kapwa naninirahan sa bahagi ng Sitio Cabatuan, Barangay Bueno ng nabanggit na bayan.

Sa pahayag ng misis ni Nicolas na si Lourdes Sanchez, na ang asawa niya ay lumabas ng kanilang tahanan kasama si Medina para manghuli ng palaka sa bukid dakong alauna ng madaling-araw kamakalawa.

Gayunman, ilang oras pa lamang ang nakakalipas ay nakarinig sila ng mga putok ng baril may ilang kilometro ang layo sa lugar kung saan nanghuhuli ng palaka sina Sanchez at Medina.

Ayon sa isang residente na si Isidro Lising ng Sitio Cabatuan, puwersahan tinangay ng mga armadong lalaki na nagpakilalang mga rebelde bago nagpaputok pa ng baril sa ere at tuluyang tinangay ang dalawang bihag. (Joy Cantos)

Show comments