7-anyos pisak sa bus!

LUCENA CITY – Kalunus-lunos ang sinapit ng isang 7-anyos na batang babae makaraang madurog habang nasa kritikal na kalagayan sa ospital ang kanyang ina at nakababatang kapatid matapos silang masagasaan ng isang pampasaherong bus sa Dalahican Road, Brgy. Mayao Crossing ng lungsod na ito kamakalawa.

Nagmistulang napisak na kamatis ang ulo at namatay noon din ang biktimang si Shynaleen Patcy de la Rosa Miguel, grade 2, samantalang kasalukuyang nakikipaglaban sa kamatayan sa ‘di tinukoy na ospital ang ina nito na si Mary Claire, 26 at kapatid na si Porshia Glaze, 5, pawang mga residente ng Aranilla compound, Brgy. Ibabang Dupay.

Batay sa imbestigasyon nina SPO1 German Merle at PO2 Aldrin Ranola, officers-on-case, dakong alas-8:00 ng umaga ay minamaneho ni Mary Claire ang kanyang XRM motorcycle (YK-756 ) at nakaangkas sa kanyang likuran ang dalawang anak.

Patungo umano sila sa Dalahican Beach Resort upang magpaaraw sa dagat subalit pagsapit sa isang kurbada ay tinumbok silang banggain ng RR Bus (TAF-316) na minamaneho ni Nilo Lortizo, 38, ng San Francisco,Quezon.

Pagkabangga ng bus ay tumilapon pauna ang motorsiklo kasama ang mag-iina at nagulungan pa ang ulo ni Shynaleen na ikinadurog nito.

Mabilis namang tumakas ang driver patungo sa San Francisco, Quezon at ngayon ay tinutugis na ng mga awtoridad at kinasuhan ng reckless imprudence resulting in homicide and double physical injuries. (Tony Sandoval)

Show comments