Kabilang sa mga sugatan ay sina PO1 Jocel Palamo at PO3 Cornelio Bugayong na kapwa nakatalaga sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Dasmariñas.
Sa ulat ni P/Supt. Mario Reyes, binabagtas ni PO3 Bugayong ang kahabaan ng Aguinaldo Highway lulan ng motorsiklo nang harangin ng mga holdaper na miyembro ng Gerry Alindog Gang.
Ayon sa ulat, inakala ng mga suspek na si PO3 Bugayong, ang sumusunod sa dalawang sasakyan ng mga ito na nagkataong nakasabay nito sa nasabing highway.
Napag-alamang biglang bumaba ang dalawang lalaki at pagkatapos ay tinutukan ng baril si PO3 Bugayong hanggang sa pukpukin ito at agawin ang kanyang motorsiklo at sariling baril.
Mabilis namang nakahingi ng tulong si PO3 Bugayong sa pinakamalapit na presinto ng pulis hanggang sa magkaroon ng ilang minutong habulan at putukan at mahagip sa kanang braso si PO1 Palamo na kapwa nasa Medical Center of Imus.
Sa follow-up operation ng pulisya, natunton naman ang pinagtataguan ni Gerry Alindog sa #270 Pasong Santol Road, Barangay Anabu 2E, Imus, Cavite at makarekober ng ibat ibang kalibre ng baril.
Pitong kalalakihan ang inimbitahan sa istasyon ng pulis na nakilalang sina Reynaldo Camaisa, Joel Paredes, Ariel Acuna, Geraldo Lares, Ramil Adriano, Benjamin Garcia at Rolimer Sajulga na pawang residente ng nasabing lugar dahil sa pag-iingat ng isang M-14 Armalite Rifle, isang Ak-47, anim na two-way radio, mga magazine at charger. (Arnell Ozaeta/ Cristina Timbang)