6 pulis-Baliuag sinibak

MALOLOS CITY, Bulacan – Anim na pulis sa bayan ng Baliuag kabilang ang kanilang hepe, ang sinibak sa puwesto kahapon dahil sa pagkakasangkot sa naganap na shootout laban sa dalawang holdaper apat na sibilyan sa loob ng videoke bar na sakop ng Barangay Bagong Nayon, Baliuag, Bulacan.

Ang mga sinibak na pulis ay kinilala ni P/Supt. Myrna Reyes, administrative officer ng panlalawigang pulisya na sina P/Supt. Jolly Dizon, police chief ng Baliuag; P/Insp. Florencio Morales, SPO3 Primo Ubaldo, PO1 Vincent Villena, PO1 Oliver Ventura at PO1 Emilio Jalova.

Pumalit kay Dizon, si P/Supt. Christopher Montellano, bilang OIC, samantalang ang mga pulis na sinibak ay pansamantalang nasa floating status sa provincial headquarters sa Malolos City.

Ang pagsibak sa anim na pulis ay naganap dahil na rin sa kahilingan ni Baliuag Mayor Romeo Estrella noong Lunes ng umaga matapos ang insidente kung saan ay iniulat nina Dizon na anim na holdaper ang kanilang napatay.

Kabilang sa mga sibilyang idinamay ng mga pulis ay sina Leovino Legazpi y Gonzales, isang retiradong sheriff sa Malolos RTC; Danilo Piosca, negosyante na may-ari ng electronic shop; Florentino Mallari Jr., trike driver; at Renato Balajadia, asawa ng dishwasher sa Janet Videoke Bar.

Kaugnay nito, binatikos ng mga residente sa nabanggit na bayan ang mabagal na proseso ng pag-iimbestiga sa nasabing kaso. (Dino Balabo at Joy Cantos)

Show comments