Pawshop nilooban: P18-M tangay
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Aabot sa P18 milyong piso na halaga ng mga alahas, cellphone at cash ang natangay ng mga di nakikilalang mga magnanakaw matapos na pasukin ang isang pawnshop sa Brgy. San Jose, Virac, Catanduanes kamakalawa. Dakong alas-7:30 ng umaga nang pasukin ang Abella pawnshop na pag-aari ni Delfin Abella. Nadiskubre ang panloloob nina Michelle Manglangit, kahera; Cielo Pablo, volt custodian at Maximo Pablo, asawa ni Cielo nang pumasok ang mga ito kinaumagahan. Sinira ng mga suspek ang bakal na grill sa likurang bahagi ng pawnshop at gumawa ng butas patungo sa main vault at gumamit ng acetylene upang mabuksan ang vault. Matapos ay kinuha ang nakalagay na cash, cellphone at mga alahas na nakasanla dito. Narekober ng mga awtoridad ang isang superkalan (gas tank), crowbar at iba pang mga kagamitan na ginamit ng mga suspek sa pagnanakaw. (Ed Casulla)
SAN MARCELINO, Zambales Isang 48-anyos na negosyante ang nasawi matapos na tambangan at pagbabarilin ng mga di kilalang kalalakihan sa Olongapo City, kamakalawa. Si Edgardo Laxamana Ong, may-asawa ay binawian ng buhay sa James Gordon Memorial Hospital ng lungsod sanhi ng mga tama ng bala sa katawan, mula sa di pa malamang kalibre ng baril. Ayon kay Benigno Ong, nakatatandang kapatid ng biktima, inabangan ng mga suspek ang biktima sakay ng kanyang sasakyan habang papalabas sa Kalaklan Highway sa SBMA. Wala umano silang alam na may inagrabyado ang kanilang kapatid, kaya wala sa hinuha nilang magtangka sa buhay nito. Pinag-aaralan na ng pulisya ang angulong may halong inggit sa negosyo o kaya personal na alitan ang ugat ng pagpaslang sa biktima. (Fred Lovino)