4 kawatan bulagta sa shootout

PLARIDEL, Bulacan –Bulagta ang apat na kalalakihan na naaktuhang nagnanakaw ng kable ng kuryente makaraang makipagbarilan sa pulisya sa bahagi ng Barangay Parulan, Plaridel, Bulacan kahapon ng madaling-araw.

Kabilang sa napatay si Nelson Pangan ng Pamplona, Las Piñas City, samantalang ang tatlo nitong kasamahan ay kasalukuyang bineberipika pa ang pagkikilanlan.

Bandang ala-una y medya ng madaling-araw nang rumesponde ang pulisya matapos na makatanggap ng tawag mula sa isang residente na may nagaganap na nakawan sa nabanggit na barangay.

Nagpaputok ng warning shot ang pulisya, subalit sa halip na sumuko ay nakipagpalitan ng putok hanggang sumalakay ang karit ni kamatayan laban sa apat.

Narekober sa crime scene ang isang shotgun, isang rebolber, granada, itak, bolt cutter at putul-putol na kableng tanso. (Dagdag ulat ni Joy Cantos)

Show comments